Pinaiigting ngayon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) 12 ang kampanya labanan sa Illegal, Unreported, and Unregulated Fishing (IUUF) sa pamamagitan ng araw araw na inspeksyon ng Local Transport Permit (LTP) ng mga produktong pangisdaang lumalabas at pumapasok sa Lungsod ng General Santos at mga karatig lugar nito. Isinasagawa ang mga ispeksyon sa mga mobile checkpoints sa ibat ibang bahagi ng lungsod.
Sinimulan ng BFAR12 Quarantine Unit ang puspusang pagpapatupad ng mobile checkpoint noong Enero 28 ng taong kasalukuyan at magpapatuloy ito hanggang sa tuluyang maisaayos ang mga suliraning may kinalaman sa legalidad ng mga produktong pangisdaan.
Eksklusibong ipinatutupad ng BFAR ang LTP na kritikal para sa legal na transportasyon ng isda at mga produktong pangisdaan alinsunod sa Fisheries Administrative Order 233. Kailangan ito ng mga transporter (o ng mga negosyante) upang maiwasan ang abala at parusa. Dahil dito, hinihimok ng BFAR ang lahat na kumuha ng LTP para sa maayos na operasyon at upang suportahan ang pandaigdigang kampanya laban sa Illegal, Unreported, and Unregulated (IUU) Fishing. Kaugnay nito, hinihikayat din ang mga local na pamahalaan na magpatupad ng kahalintulad nitong programa lalong lalo na ang pag iisyu ng auxiliary invoice ng mga isda o produktong pangisdaan na lumalabas at pumapasok sa kani-kanilang bayan.